Ilang senador, hindi apektado sa “kill joke” ni FPRRD

Hindi na sineseryoso ng ilang mga senador ang binitawang biro ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagpatay sa 15 senador para tiyak na makakapasok ang senatorial slate ng PDP-Laban.

Ayon kay Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada, mapagbiro lang talaga ang dating presidente at kung siya ang tatanungin, hindi ito isyu sa kanya.

Sinabi naman ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na sa kanyang tingin ay bulaklak lang ito ng bibig ni dating Pangulong Duterte.


Dagdag pa ni Revilla, batid naman ng lahat na ganito ang istilo ng pagpapahayag ni Duterte at kung sakali ay hindi naman siya natatakot sa banta ng pagpatay dahil may “agimat” siya para dito.

Samantala, napatanong naman si Senator Risa Hontiveros sa binitawang biro ni FPRRD sabay hirit na habang ang mga tao ay hirap na hirap sa buhay at mga isyu sa bansa ay dagdag karahasan naman ang sagot ng iba.

Punto ni Hontiveros, kung may dapat patayin o bombahin ito ay walang iba kundi ang mataas na presyo ng bilihin na siyang dapat pinaka-target ng mga tumatakbo ngayon sa halalan.

Facebook Comments