
Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang ulat na basta na lamang nila dinisperse ang mga nagsagawa ng kilos-protesta sa Cebu City, November 16, kahapon.
Nabatid na nagkaroon kahapon ng girian sa pagitan ng mga raliyista at pulisya matapos na apulahin ang apoy mula sa pagsusunog ng effigy na naglalaman ng protesta laban sa Pax Silica initiative.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Allen Rae Co, bago ang nasabing girian ay maayos na kinausap ng pulisya ang mga lider at organizer ng rally sa kabila ng kawalan ng mga ito ng permit, ngunit sa kasagsagan ng kanilang pakikipag-usap ay nagsunog ang mga ito ng effigy.
Binigyang-diin ni Co, na hindi idinispurse ang mga raliyista bagkus ay inapula lamang ang apoy lalo na ang lugar na pinagsunugan ay isang business area sa nasabing lungsod.
Ayon pa kay Co, may dalawang pulis ang nagtamo ng sugat sa naganap na insidente.
Samantala,maaari namang maharap sa reklamong Batas Pambansa Blg. 880 o The Public Assembly Act of 1985 in relation to Sec. 13 ang mga nagsagawa ng nasabing kilos-protesta.










