Tuesday, November 10, 2026

Lalaking nagnakaw ng mga underground cable, timbog sa San Juan; mahigit P230,000 na mga kable, narekober

Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang 34 na taong gulang na construction worker matapos na maaktuhang nagnanakaw ng copper cables sa underground facility sa kahabaan ng Jose Abad Santos Street, Barangay Little Baguio,sa San Juan City kahapon.

Ayon sa ulat, na-monitor ng mga tauhan ng barangay sa pamamagitan ng CCTV footage ang isang lalaki na bumaba sa motorsiklo at pumasok sa isang manhole malapit sa intersection ng Jose Abad Santos at Mascardo Streets.

Narekober ng mga awtoridad ang dalawang sections ng copper cables na may sukat na 1.2 meters at 1.1 meters na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P230,000 na mula sa isang telecommunications company.

Bukod dito ay narekober din ng awtoridad ang isang lagare, safety helmet, at isang sako.

Sa ngayon ang suspek ay nasa kustodiya ng pulisya habang hinahantay ang inquest proceedings para sa paglabag sa Republic Act No. 10515, o ang Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013, at Article 308 of the Revised Penal Code para sa kasong Theft.

Facebook Comments