
CAUAYAN CITY – Mananatili si PBGEN Antonio Marallag Jr. bilang Regional Director ng Police Regional Office 2 (PRO2) matapos makansela ang nakatakdang Turn-Over of Command Ceremony sa Camp Adduru, Tuguegarao City.
Ayon sa PRO2, ang kanselasyon ay alinsunod sa direktiba ng National Headquarters ng PNP. Dahil dito, ipagpapatuloy ni Marallag ang pamumuno sa mahigit 9,000 kapulisan sa Lambak ng Cagayan.
Itinalaga si PBGEN Marallag bilang direktor ng PRO2 noong Setyembre 24, 2024, kapalit ni PMGEN Christopher Birung, na ngayon ay pinuno ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Tiniyak ng PRO2 na ipagpapatuloy ni PBGEN Marallag ang mga nasimulan niyang programa para sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa rehiyon.
Samantala, isinagawa pa rin ang “Arrival of Honors” bilang pagsalubong kay PMGEN Ronnie Francis Cariaga ng Area Police Command-Northern Luzon, na dapat sana’y mangangasiwa sa seremonya ng pagpapalitan ng pamunuan.