Natagpuan ang wala ng buhay na katawan ng 3 taong gulang na batang lalaki, matapos umanong malunod sa dating palaisdaan sa Barangay Banaoang, Calasiao, Pangasinan noong November 24, 2026.
Ayon sa kasalukuyang buntis na ina ng bata, pumunta siya sa Rural Health Unit o RHU sa bayan ng Calasiao umaga ng nasabing araw upang magpa-check up, kasama pa umano ng bata ang ama nito ng umaga bago pumasok sa trabaho.
Iniwan umano ang bata sa kapatid ng ama ng biktima upang bantayan bandang alas dose ng tanghali.
Pag-uwi ng ina sa kanila bandang ala-una, nakita niya ang lumulutang na katawan ng bata sa dating palaisdaan sa palibot ng kanilang tinitirhan.
Itinakbo pa umano nila ang bata sa Calasiao Disaster Risk Reduction Management Office o CDRRMO, kung saan nagsagawa ang mga kawani ng CPR sa bata na wala ng pulso pagdating sa tanggapan bago itakbo sa ospital.
Sa kasalukuyan, nakaburol na ang labi ng biktima sa kanilang lugar sa Barangay Banaoang, Calasiao.
Kaugnay ng trahedyang ito, muling pinaaalalahanan ang mga magulang at tagapag-alaga na huwag basta-basta iwanang walang bantay ang mga bata, lalo na sa mga lugar na may panganib tulad ng mga palaisdaan at iba pang anyong-tubig. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







