
Inaalam na ngayon kung may iba pang mga kasama ang dalawang naarestong nagpakilalang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ay matapos mabuking ang modus ng dalawa na nagpapakilala bilang chairman at vice chairman umano ng DPWH para makialam sa mga proyekto ng ahensya sa Davao City.
Naaresto ang dalawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group dahil sa usurpation of authority at falsification of public documents.
Nagbabala naman si DPWH Secretary Vince Dizon sa publiko na mag-ingat sa mga taong nagpapakilalang opisyal ng kagawaran para makipagtransaksyon.
Hinikayat din ng kagawaran ang publiko na agad magsumbong sa mga awtoridad sa mga kahina-hinalang transaksyon o indibidwal na nagpapakilalang kinatawan ng DPWH.










