
Sinimulan na ng 79 Local Government Units ang procurement process para sa pagpapatayo ng 2,632 silid-aralan sa mahigit 600 na paaralan sa bansa, bilang bahagi ng kanilang pakikipagtulungan sa Department of Education o DepEd.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ito ang hakbang ng departamento bilang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan sa mga paaralan sa bansa.
Nagkakahalaga naman ng P9.3-B ang nasabing proyekto na magsisilbi umanong investment para sa de kalidad, ligtas, at kapaki-pakinabang na silid-aralan para sa mga estudyante.
Gagamitin ng departamento ang bagong tatag na joint Project Implementation and Construction Committee, para bantayan ang bawat sentimo ng pondong inilaan sa proyekto.
Samantala, obligado naman ang nasabing mga LGU na gumamit ng INSIGHTED o real-time digital validation and monitoring system para ma-track ang pag-usad ng konstruksyon at iwasan ang anumang pagkaantala ng proyekto.










