Nasamsam ng National Meat Inspection Service (NMIS) Regional Technical Operation Center 1 ang nasa 113.8 kilo ng mishandled at walang kaukulang dokumento na karne ng manok sa isinagawang enforcement operation sa Lingayen, Pangasinan.
Isinagawa ang operasyon noong October 29, 2026, sa isang flea market sa bayan bilang bahagi ng patuloy na hakbang ng ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga produktong karne at maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Dinala ang mga nasamsam na karne sa Lingayen Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at blotter report bago tuluyang itinapon sa Materials Recovery Facility o MRF.
Nasaksihan naman ang disposal ng mga produktong karne ng enforcement team ng NMIS at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Lingayen.
Samantala, nag-isyu rin ang NMIS ng Notices of Final Warning sa ilang tindero sa Lingayen at sa Binmaley dahil sa paglabag sa mga itinakdang pamantayan sa kaligtasan at inspeksyon ng karne.
Ayon sa ahensya, patuloy nitong paiigtingin ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagbebenta at pamamahagi ng mga hindi ligtas na produktong karne at matiyak na ligtas, malinis at dekalidad na karne lamang ang makarating sa mga mamimili. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







