
Natanggap na ng Senate Impeachment Court ang isinumiteng manifestation ng House prosecution panel tungkol sa suhestyon na article-by-article na presentasyon ng ebidensya ng parehong prosekusyon at depensa.
Ayon kay Atty. Reginald Tongol, tagapagsalita ng Senate Impeachment Court, sumang-ayon ang prosekusyon sa per article na alternate presentation of evidence, kung saan tatapusin muna ang presentasyon ng mga ebidensya sa Article 4 ng parehong prosecution at defense team bago tumawid sa susunod na article.
Gayunman, wala pang natatanggap na manifestation ang impeachment court mula sa defense team ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Tongol na kung sakaling magsumite na ng manifestation ang defense team ay pwedeng desisyunan ni presiding officer Chiz Escudero ngayon o bukas kung matutuloy ang pagsalang ng Article 1 o ang hindi wastong paggamit ng confidential funds.
Kung ito na ang magiging basehan ng rule para sa presentasyon ng ebidensya ay posibleng makansela bukas ang presentasyon ng prosecution panel ng testigo at ebidensya para sa Article 1 at maaaring sa susunod na Lunes ay tuloy na ang depensa sa presentation of evidence ng Article 4 o grave threats and inciting to sedition laban kay VP Sara.
Gayunman, nilinaw ni Tongol na hindi ito magpapabilis o magpapaikli sa proseso ng impeachment trial dahil sa ilalim ng Senate Impeachment Rules kailangang tapusin ang lahat ng articles bago magkaroon ng botohan at kapag natapos na ang presentasyon ng ebidensya ng dalawang kampo ay doon lamang din sila magbobotohan sa paraang article-per-article basis.










