
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa dalawang insidente ng hinihinalang Improvised Explosive Device o IED na nakita sa Maynila at Pasay.
Nabatid na sumabog kahapon ang isang hinihinalang IED na nakita sa harap ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura, Ermita, Maynila, habang ang isang hinihinalang IED naman ang natagpuan sa Diokno Boulevard, malapit sa Senado sa Pasay City kung saan ang nasabing dalawang insidente ay naganap ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co, isa sa pinakalohikal na makikitang rason sa nasabing insidente ay para bumuo ng takot.
Ngunit aniya, masyado pamg maaga bago masabi kung gawa ito ng isang grupo.
Hindi naman inaalis ng pulisya ang posibilidad na konektado ang nasabing dalawang insidente.
Tiniyak naman ni Co na tuluy-tuloy lang ang pagsisiguro nila sa seguridad sa mga nasabing lugar kung saan sinabi nito na secure naman na ang mga ito at wala nang iba pang bantang nakikita pa ang pulisya.










