
Umaasa sina Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano at Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na mababanggit din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ikalimang State of the Nation Address o SONA ang mga hakbang para matuldukan ang lahat ng uri ng online gambling.
Giit ni Rep. Valeriano, hindi dapat maging casino ang cellphone ng bawat Pilipino kung saan nawawaldas ang pera na dapat sana ay pambili ng pagkain, gamot, pambayad ng matrikula, mga bills at renta ng bahay.
Diin naman ni Congressman Flores, ang teknolohiya ay dapat makatulong sa bawat Pilipino at hindi maging daan ng kanilang pagka-addict sa sugal na nagbubunga ng pagkabaon nila sa utang, paggawa ng krimen at pagkasira ng pamilya.
Samantala, nais din ni Valeriano na maipaloob sa SONA ni PBBM ang ang pagsasabatas ng KALINGA Act, at pagmodernisa sa forensic investigation system ng ating bansa.
Si Flores naman ay umaasa rin na mababanggit ni Pangulong Marcos sa SONA ang
anti-political dynasty law, at ang pagpapalawig sa healthcare and medical education lalo na sa Mindanao at pagtugon sa kakulangan ng mga doktor sa bansa.










