
Tinawag ni Senator Imee Marcos na pambubudol ang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na malapit nang sampahan ng Ombudsman ng patong-patong na kaso si dating Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Sen. Imee, nakapagtataka na kung gaano kabilis maghain ng kaso laban sa mga senador na tutol sa administrasyon ay makupad naman ang hustisya kapag kaalyado ng pamahalaan ang mahaharap sa kaso.
Naniniwala ang senadora na hindi mag-isa si Romualdez sa malawakang korapsyon ng pera at kapangyarihan.
Giit ni Sen. Imee, hindi si Romualdez ang simula, hindi rin siya ang dulo at ipipilit nila si Romualdez gayong hindi naman ito ang nagpatakbo sa buong gobyerno.
Diin ng senadora, anong nangyari sa unang pahayag noong nakaraang taon na SONA na sinabi ng Pangulo na “MAHIYA NAMAN KAYO” dahil hanggang ngayon ay ligtas pa rin ang mga tinawag niyang walang hiya.
Isa si Sen. Imee sa mga senador ng minorya na hindi dumalo sa SONA ng Pangulo.










