Friday, July 24, 2026

NBI Dir. Matibag, nagtungo sa DOJ ngayong Biyernes; reklamo laban kay VP Sara Duterte, hindi napag-usapan

Nagtungo ngayong Biyernes si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Matibag, ito ay para pag-usapan ang ilang naging operasyon ng ahensiya at paghahain ng mga reklamo gaya ng sinalakay kamakailan na nagbebenta ng substandard na mga bakal.

Lumalabas umano sa imbestigasyon ng NBI na ito rin ang ginamit sa gumuhong gusali sa Angeles City sa Pampanga na nagresulta sa pagkasawi ng nasa 30 indibidwal.

Samantala, nilinaw naman ni Matibag na wala silang napag-usapan tungkol sa pending na reklamo laban kay Vice President Sara Duterte na nasa DOJ na.

Ayon sa NBI director, nananatiling pending ang reklamo sa National Prosecution Service.

Inireklamo ng ahensiya si VP Sara ng grave threats at inciting to sedition dahil sa pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Facebook Comments