
Ikinalugod at sinuportahan ng mga lider ng kamara at House prosecution panel ang pasya ng Senate Impeachment Court na pahabain ang oras ng impeachment trial o mula umaga hanggang gabi sa Oct. 1 and 2, Oct. 5 to 9, at Oct. 12 to 15 gayundin sa Nov. 9 and 16.
Ayon kay House Deputy Speaker Francisco La Union Rep. Paolo Ortega V, mainam na magkaroon ng mas mahabang pagkakataon ang prosekusyon at depensa na magpresenta ng kanilang mga testigo at ebidensya.
Tiniyak naman ni House prosecutor Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na handa ang kanilang panig sa bagong schedule ng paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sabi ni Ridon, daan ito para maraming testigo at ebidensya ang maipresenta kada araw at matapos din agad ang direct examination, cross-examination, at pagtatanong ng mga senator-judges sa mga testigo.
Bunsod nito ay buo ang pag-asa ni Ridon na makakamit ang target nilang matapos na sa Oktubre ang presentation ng witnesses at evidence ng prosekusyon na masusundan ng presentation ng depensa at pagbibigay ng hatol ng impeachment court sa Disyembre.










