SANGGOL NA NATAGPUAN SA MANAOAG, INILIPAT NA SA NATIONAL AUTHORITY FOR CHILD CARE

Inilipat na sa pangangalaga ng National Authority for Child Care – Regional Alternative Child Care Office 1 (NACC-RACCO 1) ang isang sanggol na unang natagpuan sa Barangay Lipit Norte matapos itong opisyal na i-turn over ng lokal na pamahalaan noong Mayo 12, 2026.

Ayon sa ulat, ang sanggol na binigyan ng pangalang “Baby Angel” ay natagpuan noong madaling araw ng Mayo 5 at agad na isinailalim sa pangangalaga ng mga opisyal ng barangay at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Nakipag-ugnayan ang MSWDO sa NACC-RACCO 1 upang maisailalim ang bata sa pansamantalang foster care habang hinihintay ang susunod na hakbang sa pagtukoy ng kanyang legal na katayuan.

Ayon sa mga child welfare guidelines, ang NACC ay isang accredited na ahensya na nangangasiwa sa mga inabandonang bata at sa proseso ng alternative child care, kabilang ang foster care placement at adoption proceedings.

Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11642 o Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act na naglalayong palakasin ang sistema ng proteksyon at legal na proseso para sa mga batang nangangailangan ng pangangalaga.

Patuloy namang nananawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sakaling may impormasyon tungkol sa magulang o kamag-anak ng sanggol. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments