Tuesday, August 18, 2026

ILANG LUGAR SA PANGASINAN, MULING BINAHA DAHIL SA TULOY-TULOY NA PAG-ULAN

‎Muling binaha ang ilang lugar sa Pangasinan nitong Linggo at kahapon, dahil sa nararanasang tuloy-tuloy na pag-uulan dulot ng Habagat.

‎Nitong Linggo, August 16, 2026, nakaranas ng malakas na agos ng tubig sa daanan ang mga motoristang ito sa Mangatarem kung saan naging pahirapan sa kanila ang pagtawid.

‎Nalubog rin ulit sa tubig ang Barangay Pampano sa nasabi ring bayan. Kita sa ibinahagi ng ilang residente ang pagbaha sa kanilang lugar.

‎Binaha rin ang ilang bahagi ng Labrador tulad sa ilang daanan at barangay kung saan mabilis ang daloy ng tubig—diretso sa kabahayan ng mga residente sabay sa patuloy na pag-uulan na naranasan naman kahapon, August 17, 2026.

‎Maging sa Sual, umapaw rin sa kalsada ang tubig na nagmumula sa ilog dulot ng naranasang sama ng panahon, kahapon.

‎Maging sa bayan ng Bugallon, binaha rin ang ilang kalsada.

‎Ilang lugar din sa Alaminos City ang binaha, kahapon kung saan naging pahirapan sa mga motorista na makatawid sa kalsada habang nagsagawa na rin ng rescue operations ang awtoridad sa mga lugar sa lungsod kung saan inabot na ng mataas na tubig-baha.

‎Nagsagawa rin ng rscue operations kahapon ang MDRRMO sa Agno para sa mga residenteng inabot na ng tuhod hanggang halos dibdib na tubig baha ang mga kabahayan.

‎Tuloy-tuloy naman ang pagbabantay ng Pangasinan PDRRMO at maging pagbibigay abiso tulad sa mga bayan at lungsod na naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-uulan dulot ng Habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments