
Nagbabala si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag sa publiko matapos gamitin ang kanyang pangalan sa extortion.
Una rito, naaresto sa Pasay City ang isa nitong job order employee matapos gamitin ang pangalan ni Matibag para mangikil ng pera mula sa mga negosyante sa Mindanao.
Ayon kay Matibag, nagpanggap na NBI agent ang suspek at umano’y nangolekta ng pera mula sa mga negosyanteng may hindi maayos na negosyo kapalit ng sinasabing proteksiyon mula sa ahensya.
Nilinaw ng direktor na wala siyang ipinag-uutos na ganitong operasyon at hinikayat ang publiko na iulat ang sinumang gumagamit ng pangalan ng NBI para sa pansariling pakinabang.
Batay sa paunang impormasyon, tinatayang nakakolekta na ang suspek ng humigit-kumulang P1.7 milyon sa Mindanao gamit ang kanyang pangalan.
Isinagawa ng NBI Organized and Transnational Crimes Division (OTCD) ang entrapment operation laban sa suspek sa isang restaurant sa Pasay City matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang negosyante sa Tawi-Tawi.
Humingi umano ang suspek ng P300,000 para sa pagproseso ng import permit at karagdagang P30,000, kapalit ng hindi pagsasailalim sa imbestigasyon ng negosyo ng biktima.
Nasamsam naman sa operasyon ang isang Colt pistol at isang kalibre .45 na baril.










