Arestado ng mga operatiba ng Banna Municipal Police Station ang isang indibidwal na kabilang sa Top 5 Provincial Most Wanted Person at Top 1 Municipal Most Wanted Person dahil sa kasong Frustrated Murder.
Isinagawa ang pag-aresto dakong 11:20 ng umaga noong Nobyembre 25, 2026, sa Barangay 20 Crispina, bayan ng Banna, Ilocos Norte, sa pamamagitan ng isang intelligence-driven operation.
Pinangunahan ang operasyon ng Banna MPS, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Ilocos Norte Police Provincial Office at Sto. Tomas City Police Station sa Batangas.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 11 sa Laoag City, Ilocos Norte, kaugnay ng kasong Frustrated Murder, na may inirekomendang piyansang ₱200,000.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Banna Police Station ang suspek para sa kaukulang proseso at disposisyon.
Ayon sa pulisya, bahagi ito ng patuloy na kampanya ng kapulisan upang matunton at maaresto ang mga wanted person at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










