Wednesday, May 20, 2026

Sen. Lacson, ini-report na sa plenaryo ang chairman’s progress report ng pagdinig sa maanomalyang flood control projects

Ini-report na ni Senate Blue Ribbon Committee (BRC) Chairperson Ping Lacson ang chairman’s progress report kaugnay sa mga ginawang pagdinig ng komite sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Lacson na makalipas ang tatlong buwan, nasa pito pa lamang ang lumagda sa partial committee report ng BRC kung saan pinakahuli sa pumirma ay si Senator Raffy Tulfo.

Kasama sa mga naunang lumagda ng partial report ay sina BRC Vice Chair Senator Erwin Tulfo, Senate President Tito Sotto III, Senator Risa Hontiveros, Senator Bam Aquino at Senator Kiko Pangilinan.

Iginiit ni Lacson na hindi man siya sang-ayon, iginagalang pa rin niya ang ilang kasamahang senador na hindi lumagda at nauunawaan niya ang mga rason ng mga ito.

Samantala, inirekomenda naman ni Lacson ang pagsasaayos sa sistema upang hindi na maulit ang katiwalian.

Una rito ay ang tanggalin ng tuluyan ang mga allocables at leadership funds na pinauso ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isa umanong pork barrel gayundin ang pag-itemize sa mga unprogrammed appropriations, striktong compliance sa paglalabas ng unprogrammed appropriations (UA) at pagsasapubliko ng sobrang revenue certifications at release ng UA.

Dagdag pa ni Lacson pwede rin nilang ikunsidera na tuluyang buwagin ang unprogrammed funds na siyang ginamit para magsingit ng mga pondo para sa mga ghost flood control projects.

Isinusulong din ng senador ang vertical at horizontal convergence ng infrastructure planning, pagkakaroon ng partisipasyon ng publiko at pag-ibayuhin ang legistaive transparency.

Facebook Comments