
Magiging pangunahing agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng energy security sa state visit nito sa Japan mula May 26 hanggang 29.
Ayon kay Pangulong Marcos, nais ng Pilipinas na mas palawakin pa ang pakikipagtulungan sa Japan upang matiyak ang sapat na suplay ng langis at kuryente sa gitna ng pangamba sa posibleng epekto ng tensyon sa Middle East at iba pang isyu sa rehiyon.
Malaki aniya na ang naitulong ng Japan sa paghahanap ng mga alternatibong solusyon para sa fuel supply at iba pang pangangailangan sa enerhiya ng bansa.
Binanggit din ni Marcos ang naging talakayan sa ASEAN kaugnay ng panukalang pagtatatag ng oil reserve at common power grid para sa mga bansang miyembro ng ASEAN upang maiwasan ang kakulangan sa suplay ng enerhiya.
Nais din ng Pilipinas na mapalawak ang kooperasyon sa renewable energy habang pinag-aaralan ang POWERR Asia initiative ng Japan na nakatuon sa seguridad ng oil supply at sustainable energy sources.










