
Nagkasundo ang mga kongresista na ipatanggal sa record ng plenary session ngayong araw ang privilege speech ni Batangas Rep. Leandro Leviste.
Unang tinumbok ng talumpati ni Leviste ang koneksiyon nina Executive Secretary Ralph Recto at CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola at umano’y ginastos ni Gardiola para sa kampanya nina Gov. Vilma Santos-Recto at Lucky Manzano at iba nilang mga kandidato sa Batangas.
Hindi naman ito pinalampas ni Batangas Rep. Ryan Recto sa pagsasabing hindi dapat gamitin ang plenaryo sa mga alegasyong malayo sa katotohanan, bunga ng haka-haka at hindi suportado ng ebidensya.
Paliwanag ni Recto, ang ugnayan ng kanyang ama at Gardiola ay professional dahil pareho silang dating miyembro ng Kamara at pareho ding Batangeño.
Muling nangatwiran si Leviste pero humantong ito sa pagsasabing may alam o karanasan din ang ibang mga kongresista kaugnay sa bilihin ng boto sa kanilang mga probinsya.
Nabanggit ni Leviste ang bilihan ng boto sa Quezon kaya naman tumayo ang kinatawan nito na si House Deputy Speaker JayJay Suarez at ipinunto na dapat ay nakabatay sa ebidensya, dokumento at sinumpaang salaysay ang mga nabanggit na pahayag at hindi base lang sa haka-haka, kwento, text, o Facebook messages
Bunsod nito ay isinulong ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na alisin sa record ng plenary ang buong privilege speech ni Leviste na kinatigan ng mga kongresista.
Ang nais naman ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, bukod sa pagtanggal sa record ay dapat bawiin mismo ni Leviste ang kanyang pahayag na ang mga kongresista ay tila may alam sa vote buying.










