Sen. Risa Hontiveros, may babala kay Pastor Quiboloy

Nagbabala si Senator Risa Hontiveros kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy kapag hindi pa rin ito humarap sa pagdinig ng Senado.

Banta ni Hontiveros, sakaling ‘no show’ pa rin sa susunod na imbestigasyon ng Senado si Quiboloy na gaganapin sa March 5 ay ipako-contempt at ipaaaresto ang pastor ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Pinagsabihan din ng senadora si Quiboloy na huwag itong pa-victim matapos maglabas ng video kung saan tanging boses lamang nito ang maririnig.


Giit ni Hontiveros, ang hinihingi lang nila sa mataas na kapulungan ay humarap si Quiboloy sa legal na proseso at kasama na rito ang proseso ng imbestigasyon ng Senado.

Matatandaang nitong Lunes ay ipina-subpoena na ng Senado si Quiboloy upang mapilitang humarap sa imbestigasyon patungkol sa mga reklamo ng human trafficking, sexual abuse, pananakit at iba pang pang-aabuso sa mga miyembro ng KOJC.

Facebook Comments