
Pinatitiyak ni Senate President Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na agad ay mararamdaman ng publiko ang epekto ng paglagda ng Estados Unidos at ng Iran sa isang kasunduan na inaasahang magiging hudyat ng pagtatapos sa giyera ng dalawang bansa.
Partikular na pinatitiyak ni Gatchalian sa DOE na dapat maramdaman ng publiko ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Punto ni Gatchalian, matagal nang pinapasan ng publiko, lalo na ng mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon, ng mga magsasaka at pangkaraniwang mamimili ang mataas na presyo ng petrolyo at mataas na presyo ng bilihin na dulot ng giyera.
Nanawagan din ang Senate president sa ehekutibo na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga sektor na lubhang nahirapan sa pagtaas ng presyo ng langis.
Mas magiging malakas aniya ang pagbangon ng ekonomiya kung matutulungan na tuluyang makaahon mula sa naging dagok ng mataas na presyo ng petrolyo at pangunahing bilihin ang mga vulnerable o mahihinang sektor.










