
Tinitingnan ng Department of Education (DepEd) ang posibleng pananagutan ng private school sa General Trias, Cavite kasunod ng insidente ng pananaksak ng isang estudyante sa kapwa niya mga estudyante sa loob ng silid-aralan.
Ayon kay DepEd Undersec. Roger Masapol, hinihintay na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon ng PNP sa insidente.
Sinabi ni Usec. Masapol na oobligahin na rin ng DepEd ang private schools na i-improve ang kanilang seguridad para maiwasang maipasok sa loob ng mga school campus ang deadly weapons.
Sa ngayon, sumasailalim na rin aniya sa psychosocial interventions ang mga estudyanteng nakasaksi sa pananaksak.
Posible ring irebisa ng DepEd ang Manual of Regulation ng mga paaralan.
Sa naturang insidente, pitong Grade 5 students ang nasugatan nang sugurin at pagsasaksakin sila ng isang babaeng Grade 8 student.










