Umapela si Senate President Chiz Escudero kay Vice President Sara Duterte na tigilan na ang turuan at sisihan at sa halip ay makipagtulungan na lamang sa pamahalaan para tugunan ang mga problema ng bansa at ng ating mga kababayan.
Kasunod na rin ito ng pambabatikos ni VP Duterte sa administrasyong Marcos kung saan pinuna nito ang kawalan ng master plan para sa flood control at sinabi rin nito na deserve ng mga Pilipino ang higit pa sa pamahalaang ito.
Ayon kay Escudero, nakakalito ang pagkwestyon ni VP Sara sa kawalan ng flood masterplan sa loob ng dalawang taon ng administrasyon ni PBBM gayong ang mas naunang administrasyong Duterte na nasa poder ng anim na taon ay hindi rin naman nagawa ito.
Hirit ng Senate President, kung may nagawa na o nasimula noon pa ay mayroon sanang naipapatupad ngayon.
Magkagayunman, sinabi ng mambabatas na tulad ng ibang mga Pilipino ay karapatan naman ng bise presidente na tukuyin ang mga problemang kinakaharap ng mga kababayan pero hindi tulad sa mga ordinaryong mamamayan ay maaaring magbigay ng mungkahi at may gawin si Duterte gamit ang kanyang posisyon, resources at plataporma.