
Kinwestyon ni Senator-judge Alan Peter Cayetano si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag dahil sa umano’y pagpapalawak ng kapangyarihan o hurisdiksyon nito sa imbestigasyon ng mga krimen.
Sinabi ni Matibag na lahat ng pumapasok sa kanilang krimen ay pwede nilang imbestigahan motu proprio at sa mga krimen na mayroong reklamo.
Gayunman, para kay Cayetano ito ay taliwas sa ilalim ng Republic Act no. 10867, itinatakda ang limitadong kapangyarihan at tungkulin ng NBI sa pag-iimbestiga maliban na lamang kung uutusan ng pangulo o ng secretary of justice na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang krimen kapag kinakailangan para sa kapakanan ng publiko.
Inisa-isa ni Cayetano ang mga nakalistang kaso na sakop ng NBI, kabilang dito ang human trafficking sa lahat ng paliparan, extrajudicial at extra-legal killings ng mga pwersa ng estado laban sa mga mamamahayag, pagpatay sa mga mahistrado at hukom, paglabag sa Cybercrime Prevention Act, mga kasong isinasangguni ng Inter-Agency Anti-Graft Coordinating Council (IAGCC), at paglabag sa Anti-Dummy Law.
Kinilala ni Matibag na tama ang listahang binanggit ni Cayetano ngunit iginiit niyang hindi nito nililimitahan ang kapangyarihan ng NBI.
Mariin pa rin itong tinutulan ni Cayetano dahil taliwas ito sa prinsipyo ng batas na kapag exclusive ang enumeration o nakalista ay hindi pwedeng magdagdag ng iimbestigahan.
Kung matatandaan, hiwalay na iniimbestigahan ng NBI ang flood control projects sa Taguig City at ang 2019 SEA Games kung saan chairman ng organizing committee si Cayetano.










