
Nangangamba ang Sugar Regulatory Administration (SRA) sa patuloy na pagbaba ng produksyon ng asukal sa bansa ngayong 2026-2027 milling season.
Bunsod ito ng mataas na presyo ng petrolyo at iba pang farm inputs, epekto ng El Niño, at pagkalat ng pesteng Red Soft Scale Insect (RSSI).
Partikular na nanganganib ang kabuhayan ng libu-libong magsasaka sa Negros Occidental, ang pangunahing producer ng asukal sa bansa.
Posible ring mahirapan ang mga magsasaka na makabawi sa gastos at makapaghanda sa susunod na taniman, na maaaring makaapekto sa suplay ng asukal.
Tiniyak naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang suporta ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng peste at maprotektahan ang kita ng mga magsasaka.
Humihiling na rin ang DA at SRA ng karagdagang pondo upang matugunan ang epekto ng El Niño at naturang peste, habang isinusulong ang sapat na suplay at abot-kayang presyo ng asukal.










