
Kinwestyon ni Senator Imee Marcos ang mabagal na pagpapatayo ng mga paaralan sa kabila ng malaking pondong ibinuhos dito ngayong taon.
Mula sa target na halos 19,000 na bagong classrooms na itatayo sa 2026, nasa 500 lang ang natapos at nagagamit batay sa Department of Education (DepEd).
Sa interpellation ni Marcos sa panukalang 2027 budget ng ahensiya, sinabi ng ahensiya sa pamamagitan ni Sen. Bam Aquino na ang natitirang mga target classroom ay nasa proseso pa ng bidding, procurement at konstruksyon.
Paliwanag ni Aquino, 6,000 silid-aralan ang nakatakdang ipatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, sa lokal na pamahalaan naman, nasa 425 local government units ang nasa preparatory phase para sa pagtatayo ng 9,043 silid-aralan.
Sinabi ni Aquino na tanging ang Chinese Chamber of Commerce pa lang ang na-accredit na civil society organization (CSO) para makatuwang ng ahensiya sa pagpapatayo ng mga klasrum, bagama’t may ilan pang CSOs na sumasailalim sa proseso ng accreditation.
Umaasa naman si Sen. Imee na mapapabilis ang pag-accredit sa iba pang CSOs para mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan.










