
Muling umaapela ang mga retiradong mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na solusyunan sana ang problema hinggil sa ginagawang pagkaltas sa kanilang mga benepisyo.
Ayon kay Ginang Josefina Romero, ang tumatayong representative ng nasa 132 petitioners na kabilang sa 2,000 retiradong tauhan ng PCG, halos siyam na taon na silang nahihirapan bunsod ng mga kaltas sa benepisyo na umaabot ng ₱8,000 hanggang ₱14,000 mula 2017.
Panawagan ni Gng. Romero sa Kongreso at kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., paglaanan sana ng sapat na pondo ang mga retiradong Coast Guard lalo na’t ilan taon din silang nagsilbi sa bayan.
Giit nila, isama sa General Appropriations Act (GAA) 2027 o sa national budget ang pondo para sa mga retiradong tauhan ng PCG.
Nabatid na ilang taon na nilang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa pamamagitan ng mga kilos-protesta, press conference at pagdulog sa Korte Suprema kung saan maging ang Kataas-taasang Hukuman ay naglabas na rin ng resolusyon pabor sa mga PCG retirees.
Bagama’t may impormasyon silang natanggap na sa taong 2028 mapopondohan, tinututulan nila ito dahil sa gagawing tatlong hulugang pagbabayad ng kanilang pension differential kung saan marami na umanong retirado ang pumanaw nang hindi natatanggap ang inaasahan nilang benepisyo.










