Mas pinalakas ang kakayahan ng mga barangay sa La Union na magampanan ang kanilang tungkulin matapos ipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ang 92 multi-purpose vehicles at dalawang dump trucks noong Abril 30, 2026.
Ang mga MPV ay ipinamahagi sa 92 barangay mula sa limang bayan, kalakip ang mga kagamitang pang-emergency upang makatulong sa mabilis na pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon. Kabilang sa mga benepisyaryo ang 24 barangay sa Aringay, 15 sa San Gabriel, 11 sa Santol, 24 sa Santo Tomas, at 18 sa Tubao.
Layunin ng distribusyon na mapabuti ang paghahatid ng serbisyong pampubliko sa antas-barangay, partikular sa transportasyon, disaster response, at iba pang pangangailangan ng komunidad. Sa pamamagitan ng mga bagong sasakyan, inaasahang magiging mas maagap at episyente ang pagtugon sa mga pangangailangan ng residente.
Samantala, dalawang dump trucks ang ipinagkaloob upang suportahan ang mga proyektong pang-imprastraktura at pamamahala sa basura. Malaki ang inaasahang ambag ng mga ito sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa mga nasasakupan.
Sa aktibidad, pormal na tinanggap ng mga kinatawan ng barangay ang mga susi at dokumento ng mga sasakyan bilang bahagi ng kanilang responsibilidad sa wastong paggamit at pangangalaga ng mga ito.
Binigyang-diin na ang naturang hakbang ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapalakas ang mga lokal na pamahalaan at matiyak ang mas maayos, mabilis, at angkop na serbisyo para sa bawat bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










