
Naghain ng position paper sa Senado ang malaking koalisyon ng mga transport group.
Ito’y upang isulong na ipawalang-bisa ang 28-taong-gulang na Oil Deregulation Law.
Kabilang sa mga grupo ay ang Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Stop and Go Coalition, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), at mga federasyon na kumakatawan sa mga bus, taxi, tricycle, at motorsiklo.
Ang position paper ay naka-address kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian.
Giit ng mga grupo, bigo ang oil deregulation law na protektahan ang publiko mula sa walang prenong taas presyo ng mga produktong petrolyo na pinaigting papataas ng pandaigdigang krisis.
Ayon sa mga transport groups, bagamat nakadisenyo ang RA 8479 upang matiyak ang isang mapagkumpitensyang merkado at patas na pagpepresyo, hinayaan naman nito ang pamahalaan mawalan ng kapangyarihan na makialam sa panahong may krisis.
Isinusulong din nila ang pagbaalik ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF), isang mekanismo na orihinal na nilikha noong 1984.
Sa ilalim ng sistema ng OPSF, ang buffer fund ay pinamamahalaan ng gobyerno.
Kontribusyon ito ng kompanya ng langis na maaring magamit na pondo kapag mababa ang presyo ng krudo sa buong mundo.










