
Kuntento ang non-profit organization na International Border Management and Technologies Association (IBMATA) sa sistema at ginagamit na teknolohiya ng Bureau of Immigration (BI).
Ito ay kaugnay ng isyu ng pagbabantay sa border ng bansa mula sa mga pantalan at paliparan.
Sa media forum ni Ms. Sharon Ayley, Chief Executive Officer (CEO) ng IBMATA at Commercial Director ng Fortinus Global Limited, sapat at may kakayahan ang sistema ng Immigration upang masiguro na maiiwasan ang mga kaso ng human trafficking.
Ang pahayag ni Ayley ay kasunod ng pagpupulong niya kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.
Aniya, dapat na lamang na palawakin ng ahensya ang kanilang sistema para mas lalo pang mabantayan ang border ng Pilipinas at masagip ang mga nabibiktima ng human trafficking.
Bukod dito, mas mainam na magkaroon ng mas malakas na pakikipag-ugnayan ang Bureau of Immigration (BI) sa ibang ahensya.
Giit pa ni Ayley, isa rin sa mabisang paraan ay ang pagpapalawak ng awareness campaign upang malaman ng lahat ang mga paraan sa pagpapalakas ng border security.
Malaking tulong ito upang mabigyan at maturuan ang mamamayan hinggil sa mga kaso ng trafficking at maiwasan na maging biktima nito, lalo na ng mga international syndicate.










