Tuesday, May 26, 2026

Independent investigation, dapat ikasa kaugnay sa pagguho ng itinatayong gusali sa Angeles, Pampanga

Iginiit ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang pagkakasa ng independent investigation kaugnay sa pagguho ng isang itinatayong gusali sa Angeles City, Pampanga kung saan tatlo na ang naitalang nasawi habang 18 pang indibidwal na posibleng natabunan ang hindi pa natatagpuan.

Ayon kay Cendaña, dapat pangunahing usisain sa imbestigasyon kung sumunod ang construction company sa Building Code at occupational safety standards.

Giit ng kongresista, dapat sagutin ng construction firm at ng may-ari ng gusali ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatang biktima at sa pag-asikaso sa mga nasawi.

Hiling pa ni Cendaña na bantayang mabuti ang pagtupad ng kumpanya at ng may-ari sa kanilang pananagutan at tiyaking hindi mapipilitang pumirma ng quitclaim ang mga biktima at kanilang pamilya.

Bunsod nito, pinakikilos din niya ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na inspeksyunin ang mga kahalintulad na construction projects sa buong bansa upang maiwasan ang mga katulad na trahedya.

Facebook Comments