
Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panawagan para sa paglikha ng batas na tutugon sa troll farms at mga deepfake na nililikha gamit ang Artificial Intelligence (AI).
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., kinikilala ng PNP ang pangangailangang makasabay ng mga umiiral na batas sa mga digital threats tulad ng AI-driven disinformation, coordinated troll operations, at deepfake technology.
Bagama’t may mga umiiral nang batas na maaaring gamiting batayan para sa aksyon, binigyang-diin ni Nartatez na kailangan ng mas malinaw na legal tools at mas mabilis na mekanismo ng pagtugon upang maprotektahan ang kaayusan at tiwala ng publiko.
Giit pa ni Nartatez, isang seryosong usapin ang deepfakes at coordinated online harassment, na itinuturing ng PNP na potensyal na banta hindi lamang sa mga indibidwal kundi maging sa pambansang seguridad.
Bilang tugon, pinaigting ng PNP ang kanilang cybercrime units para matunton at mabuwag ang mga pinaghihinalaang troll farms at disinformation networks sa bansa.










