Friday, October 16, 2026

Subpoena laban sa Machong Chismisan podcast hosts, inilabas na ng NBI

Pinahaharap ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division sa darating na October 20 ang dalawang podcast host ng Machong Chismisan kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring pamamahiya kay Joshua Aquino na isang person with disability (PWD) na kabilang sa autism spectrum.

Batay sa inilabas na subpoena na nilagdaan ni NBI Assistant Director Eric Mercado, pinahaharap sa tanggapan sina Mark Dominic Zuñiga Dizon at Philipp Joshua Dizon De Leon.

Nakatakdang humarap si Dizon sa Martes, October 20, 2026, ganap na ala-1:00 ng hapon. Samantala, nakatakda namang humarap si De Leon sa parehong araw sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa NBI Cybercrime Division Office, Pasay.

Layunin ng nasabing subpoena na hingan ng testimonya at ebidensya ang dalawa ukol sa imbestigasyon sa paglabag sa Republic Act No. 9442 o ang Magna Carta for Persons with Disability, kaugnay ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Binigyang-diin sa dokumento na may karapatan ang dalawa na magsama ng sarili nilang legal counsel o abogado sa kanilang pagharap sa Martes.

Facebook Comments