Sugatang NPA lider, nailigtas ng militar sa Ifugao

211

Iniligtas ng mga tropa ng 54th Infantry Battalion ang isang sugatang New People’s Army (NPA) leader sa Sitio Belbel, Brgy. Namal, Asipulo, Ifugao kahapon.

Kinilala ni Northern Luzon Command Lt. Gen. Ernesto Torres Jr., ang sugatan na si alias “Junel”, ang Vice Commanding Officer ng Front Operational Command, ng Guerilla Front AMPIS na nag- o-operate sa Abra, Mountain Province, at Ilocos Sur.

Si alyas Junel ay nagtamo ng sugat sa engkwentro kamakalawa, at natagpuan ng mga tropa na agaw-buhay kahapon, matapos abandonahin sa bundok ng kaniyang mga nagsitakas na kasamahan.


Agad itong binigyan ng first aid ng mga tropang nagsasagawa ng pursuit operations at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Ayon kay Lt. Gen. Torres, ipinakita ng mga sundalo sa kanilang aksyon ang pagrespeto sa buhay at maayos na pagtrato sa kalaban, alinsunod sa International Humanitarian Law.

Facebook Comments