Kalibo, Aklan — Itinuturing na malaking tulong ang Sustainable Livelihood Program (SLP) sa mga barangay sa probinsya ng Aklan. Ito ay inihayag ni Ms. Rovi Christine Gonzales, Provincial Coordinator ng SLP Aklan Provincial Program Management Office sa panayam ng RMN DYKR Kalibo kaninang umaga. Ayon sa opisyal, na sa katunayan ang probinsya ng Aklan ang siyang laging nangunguna sa performance sa pag-implementa ng SLP sa buong rehiyon. Dagdag pa nito na noong nakaraang linggo, kinilala ang kanilang tanggapan sa probinsya bilang Best Operations Office, patunay umano ito na halos lahat sa kanilang proyekto ay nakatulong at nagsilbing sagot sa mga nangangailangan sa barangay sa probinsya. Ayon pa kay Gonzales, na sa kabila ng matagumpay na SLP sa bawat barangay sa probinsya, mayroon din umanong mga nagkaproblema dito, ngunit palagi naman itong mino-monitor ng ahensya. Samantala, inihayag din ng opisyal na halos lahat ng napondohan ng ahensya mula sa nasabing programa ay naghihikahos na palaguin ang kanilang napiling livelihood. Base naman sa assessment ni Gonzales at base rin sa report mula sa field workers ng ahensya, humigit-kumulang 70%-80% ang successful rate ng Sustainable Livelihood Program o SLP, at itinuturing ito bilang magandang balita para sa mga kakaumpisa pa lamang ng pagne-negosyo ng mga asosasyon sa ilalim ng nasabing programa. Sa kabilang banda, sa isinagawang media forum kaninang umaga, inilahad naman ng ilang asosasyon mula sa iba’t-ibang barangay sa Aklan ang kanilang accomplishment mula sa nasabing programa.
Facebook Comments