SWIMMING OUTING | Kampo ni Robredo, naghain ng counter manifestation

Manila, Philippines – Naghain ng counter manifestation sa Korte Suprema ang kampo ni Vice President Leni Robredo bilang sagot sa manifestation na inihain ni dating Senador Bongbong Marcos.

Kaugnay ito ng nabunyag na swimming outing ng head revisors ng Presidential Electoral Tribunal (PET) at ng isang revisor ni Robredo.

Sa kanilang counter manifestation, hiniling sa Korte Suprema ng Robredo camp na ilabas ang kopya ng CCTV footage na kuha dalawang linggo na ang nakalilipas nang magdala naman daw ng snacks ang kampo ni Marcos para sa swimming outing.


Ang naturang snacks daw ay iniwan sa ika-apat na palapag ng Court of Appeals (CA) kung saan isinasagawa ang revision of ballots.

Depensa ni Atty.Emil Marañon, abugado ni Robredo, kung alam lang sana nilang sasama ang kanilang revisor sa outing ng PET head revisors ay hindi nila ito pinayagan.

Hindi rin aniya nagpadala ng meryenda o panggastos si Robredo para sa outing ng mga revisors na ginanap sa Pansol, Calamba City sa Laguna noong Hunyo 22.

Wala aniya silang nakikitang masama sa outing ng mga PET revisors dahil labas naman ito sa kanilang trabaho.

Sa ngayon ay nagsasagawa na rin ang PET ng internal investigation sa kontrobersyal na swimming outing.

Facebook Comments