Nakapagproseso ng kabuuang 1,116 na transaksyon ang Professional Regulation Commission (PRC) Region 1 sa isinagawang Local Mobile Service sa Urdaneta City at Lingayen, Pangasinan.
Pinangunahan ng PRC Regional Office 1 sa ilalim ni Regional Director Atty. Arl Ruth B. Sacay-Sabelo ang mga aktibidad na isinagawa noong Nobyembre 12 hanggang 14, 2026, upang mailapit sa publiko ang iba’t ibang serbisyo ng ahensya.
Sa Lingayen, nagsagawa ng mobile service ang PRC noong Nobyembre 12 sa Pangasinan Public Employment Service Office o PESO bilang bahagi ng Mega Job Fair, kung saan nakapagtala ito ng 350 transaksyon.
Samantala, umabot naman sa 766 na transaksyon ang naproseso sa dalawang araw na mobile service sa SM City Urdaneta Central noong Nobyembre 13 at 14, sa suporta ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) Northern Luzon Regional Field Office.
Kabilang sa mga serbisyong inialok sa dalawang lugar ang initial registration, renewal at duplication ng Professional Identification Card o PIC, gayundin ang certification at authentication ng mga dokumento.
Pinangunahan nina Supervising Professional Regulations Officer Shiela M. Borja at Administrative Officer III Ayrah Trishia C. Lungan ang magkahiwalay na mobile service, katuwang ang iba pang mga tauhan ng PRC Region 1.
Ayon sa PRC, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na gawing mas accessible, mabilis at maginhawa ang pagkuha ng mga serbisyo ng pamahalaan, partikular para sa mga propesyonal at nagnanais na maging lisensyadong propesyonal sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










