UNANG COMELEC GUN BAN VIOLATOR, NAITALA NG RIZAL,KALINGA

Cauayan City, Isabela- Naitala ang unang kaso ng paglabag sa COMELEC Gun Ban sa Barangay Macutay, Rizal, Kalinga, kahapon March 4, 2022.

Kinilala ang suspek na si Lixbert Dacquial, 41-anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng naturang lugar.

Sa report ng PNP Rizal, lumalabas na nasa impluwensya umano ng nakalalasing na inumin ang suspek ng mangyari ang insidente ng umano’y pagpapaputok nito ng baril na nagdulot naman ng pangamba sa mga residente sa lugar.

Narekober sa pag-iingat ng suspek ang isang (1) sling bag na naglalaman ng isang (1) kalibre 45 M1911A1-FS na may serial number na RIA1935493, isang(1) magazine para sa kaliber 45, anim (6) na bala, isang (1) brown wallet na naglalaman ng iba’t-ibang pagkakakilanlan sa suspek.

Nakuha mula sa pinangyarihan naman ng insidente ang apat (4) na basyo ng bala baril matapos ang umano’y pagpapaputok nito.

Samantala, napag-alamang sinubukan ng kaanak ng pamilya ng suspek na aregluhin ang nagawang pagpapaputok.

Sa ngayon, nasa pangangalaga ng PNP Rizal ang magsasaka para sa dokumentasyon at pagsasampa ng karampatang kasong paglabag sa Omnibus Election Code at RA 10591 Comprehensive Firearms and Ammumitions Regulations Act.

Facebook Comments