Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang mga Pilipino sa Japan dahil sa kanilang sakripisyo at malaking ambag sa pagpapatibay ng ugnayan ng Pilipinas at Japan.
Sa pakikipagpulong ng pangulo sa Filipino community sa Tokyo, tiniyak nito na patuloy na poprotektahan ng pamahalaan ang kapakanan, karapatan, at kaligtasan ng mga OFW sa Japan.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalagang bahagi ang mga Pilipino sa mas matibay na relasyon ng dalawang bansa kaya sila ang unang pinuntahan bago makipagpulong sa mga lider ng Japan.
Hinimok din ng pangulo ang mga kabataang Pilipino sa Japan na samantalahin ang mga oportunidad doon habang ipinagmamalaki ang kanilang pagiging Pilipino.
Samantala, ibinahagi rin ni Marcos ang epekto ng tensyon sa Middle East sa presyo ng langis at bilihin sa bansa.
Sinabi nitong nagpatupad ang gobyerno ng mga hakbang para matiyak ang sapat na suplay ng langis at makatulong sa mga apektadong sektor.
Layunin din ng pagbisita ng pangulo sa Japan na palalimin pa ang kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng trabaho, kalakalan, seguridad, at ugnayang pangmamamayan kasabay ng ika-70 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Japan.










