Bandang alas-6:30 ng gabi, iniulat ng isang 51 anyos na barangay kagawad ang pagkakatagpo niya ng isang baril sa Barangay Taloy, Malasiqui.
Ayon sa imbestigasyon, papunta umano ang kagawad sa bukirin kung saan nagpapastol siya ng kambing nang mapansin niya ang isang bagay na kahawig ng baril sa gilid ng daan. Nang suriin ito ay natuklasang isa itong caliber .38 revolver na walang serial number at walang lamang bala.
Agad niya itong iniulat sa pulisya at kalaunan ay dinala ng mga rumespondeng pulis ang baril sa Malasiqui Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon bago isumite sa Urdaneta City Satellite Forensic Unit para sa pagsusuri.
Samantala, bandang alas-9:25 naman ng gabi, isang barangay kagawad at isang magsasaka ang nagtungo sa Basista Police Station upang isuko ang isang loose firearm na kanilang natagpuan sa Sitio Don Emiliano De Guzman, Barangay Obong, Basista.
Batay sa ulat, napansin ng magsasaka ang isang itim na sling bag sa gilid ng kalsada habang siya ay naglalakad. Nang buksan ito ay nakita ang isang hinihinalang caliber .22 firearm na walang marka at serial number, na may nakakabit na magazine at isang live ammunition.
Agad itong ipinasa sa barangay kagawad at isinuko sa pulisya para sa tamang disposisyon. Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Basista Police Station ang naturang baril at isasailalim sa ballistic examination ng Pangasinan Provincial Forensic Unit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










