
CAUAYAN CITY – Upang mapalakas ang kahandaan ng mga komunidad laban sa epekto ng climate change, nagsagawa ang Department of Environment and Natural Resources Region 2 ng Orientation at Focus Group Discussion sa Barangay Annafunan West, Tuguegarao City.
Layunin ng programa na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga residente, lalo na ang mga kabilang sa vulnerable sectors tulad ng senior citizens, persons with disabilities, kabataan, at barangay officials, upang maging mas handa sila sa mga panganib dulot ng pagbaha at iba pang epekto ng climate change.
Sa pamamagitan ng aktibidad, natutunan ng mga kalahok ang kahalagahan ng wastong solid waste management, flood mitigation, at iba pang simpleng climate actions na makatutulong upang mabawasan ang panganib sa kanilang komunidad.
Tinalakay rin ng mga resource speakers mula sa PENRO Cagayan at Environmental Management Bureau Region 2 ang epekto ng global warming, mga mitigation strategies, at mga environmental laws at programs ng pamahalaan na maaaring makatulong sa pangangalaga ng kalikasan at kaligtasan ng mamamayan.
Inaasahang sa pamamagitan ng nasabing programa ay mapalalakas ang resiliency ng komunidad at mahikayat ang mas aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pangangalaga sa kapaligiran at paghahanda sa mga sakuna.










