
Isinusulong ni Raffy Tulfo ang isang updated o mas napapanahong regulasyon at mga polisiya kaugnay sa pagpapatayo ng mga gusali.
Kaugnay nito, inihain ni Tulfo ang Senate Bill 2158 o ang New Philippine Building Act matapos ang napaulat na pagguho ng isang under-construction na siyam-na-palapag na gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga, kung saan anim ang nasawi at marami pang katao ang naiwan sa gumuhong istruktura, na karamihan ay mga construction worker.
Tinukoy din sa panukala ang ilang iba pang building-related incidents, kabilang ang insidente kung saan dalawang estudyante ang natamaan ng debris o malalaking tipak ng semento mula sa isang condominium sa Tomas Morato, Quezon City. Sa imbestigasyon, lumabas na hindi maayos ang maintenance ng naturang gusali.
Layunin ng panukala na palitan ang Presidential Decree No. 1096 o ang National Building Code of the Philippines, na naisabatas noong 1977 at itinuturing nang outdated sa pagtugon sa modernong construction at engineering standards.
Nakasaad sa panukala ang updated na klasipikasyon ng mga gusali, lokasyon at zoning, disenyo, pagpili ng building materials, at mas pinahigpit na mga regulasyon sa pagpapatayo ng mga gusali.
Sa oras na maisabatas ito at mapatunayang may malinaw na kapabayaan o paglabag sa mga probisyon, may kaukulang parusa ang mga building owner, building professionals, contractors, recognized certifiers, structural peer reviewers, testing laboratories, at mga inspektor.
Maaari silang maharap sa pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon at multa na hindi lalampas sa isang porsyento ng tinatayang halaga ng proyekto.










