Tinatalakay ng lokal na pamahalaan ng Urbiztondo, Pangasinan, ang planong pagpapatupad ng 200-ektaryang Sorghum Production Project na layong magbigay ng karagdagang oportunidad sa agrikultura at kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Kaugnay nito, nagsagawa ng consultative meeting sina Cristal Fernandez at Ayessa Mae Artates mula sa tanggapan ni Congressman Mark O. Cojuangco upang talakayin ang panukalang proyekto na sasaklaw sa mga bahagi ng Barangay Salavante, Angatel, at Sawat.
Ang sorghum ay isang matibay na pananim na kayang umangkop sa mainit na klima at tagtuyot. Maaari itong gamitin bilang pagkain, pakain sa mga hayop, forage, at hilaw na materyales para sa iba’t ibang industriya.
Nakatakdang isagawa ang pagtatanim sa mga pampang ng Agno River, na inaasahang makatutulong sa pagpapalawak ng pagkakakitaan ng mga magsasaka.
Bukod dito, layunin din ng panukalang proyekto na makatulong sa mas mabilis na paghupa ng tubig-baha sa panahon ng tag-ulan.
Ipinaabot naman ng lokal na pamahalaan ang pasasalamat sa pagsusulong ng mga proyektong layong magbigay ng dagdag na oportunidad at benepisyo sa mga mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








