
Hiniling ng kampo ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na boluntaryong mag-inhibit o huwag lumahok ang National Bureau of Investigation at si Director Melvin Matibag sa imbestigasyon sa mga alegasyon ng dating pulis na si Rodulfo M. Gracioso.
Ayon kay Congressman Pulong, pormal itong nirequest ng kanyang mga abogado para matiyak ang patas, walang kinikilingan at may kredibilidad na pagsisiyasat.
Sabi ni Rep. Duterte, nakabatay ang kanilang request sa pahayag ni Matibag na “99% true” ang isiniwalat ni Gracioso na sya ay nagdeliver ng maletang may lamang pera sa kanya, gayundin kina Vice President Sara Duterte, at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang din sa rason ni Congressman Paolo ang pagkakait sa kanilang panig ng patas na oportunidad para sagutin ang affidavit ni Gracioso bago pa ito ipinangalandakan sa publiko.
Ikatlo, iginiit ni Rep. Duterte na halata namang bias o may kinikilingan si Matibag base sa mga naging pahayag nito laban kay VP Duterte.
Nilinaw ni Congressman Paolo na hindi sila humihingi ng espesyal na pagtrato kundi nais lamang nila ng fairness at impartiality na karapat-dapat ipagkaloob sa bawat Pilipino.










