Wednesday, November 25, 2026

Iba’t ibang grupo ng mga kababaihan, nagsagawa ng kilos-protesta sa Maynila kontra sa pagtatayo ng Pax Silica sa bansa

Nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo ng mga kababaihan sa Plaza Ferguson, na halos katapat lamang ng US Embassy sa Maynila, bilang bahagi ng paggunita sa International Day to End Violence Against Women.

Isinagawa ang protesta matapos ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas, kung saan kabilang sa mga isyung tinutulan ng grupo ang umano’y panghihimasok ng US sa ekonomiya ng bansa, presensiya ng mga tropang Amerikano, at mga kasunduang pangkalakalan at pangdepensa gaya ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ayon kay World March of Women-Pilipinas National Coordinator Jean Enriquez, posibleng magdulot ng panganib sa kababaihan ang mga patakarang ito, partikular sa kanilang kabuhayan, karapatan at kaligtasan.

Kinondena rin ng mga grupo ang umano’y paglala ng pagsasamantala sa kababaihan, kabilang ang sexual exploitation at karahasan sa mga komunidad na malapit sa mga pasilidad militar.

Binigyang-diin naman ng iba pang organisasyon ang pangangailangang protektahan ang kababaihan laban sa online violence, gaya ng AI-generated sexual images, deepfakes, online harassment at pagpapakalat ng pribadong larawan nang walang pahintulot.

Nanawagan din sila sa pamahalaan at mga technology company na papanagutin ang mga nasa likod ng ganitong uri ng pang-aabuso.

Panawagan ng grupo na huwag nang ituloy ang mga proyektong may mapaminsalang epekto, tulad ng Pax Silica.

Iginiit nila na hindi matatawag na tunay na kaunlaran ang mga programa at kasunduan kung nakataya naman dito ang karapatan, kabuhayan at kaligtasan ng kababaihan.

Facebook Comments