Bukas na sa mga motorista ang Villaverde Road o Pangasinan–Nueva Vizcaya Highway matapos pansamantalang isara dahil sa pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga bato.
Ayon sa Department of Public Works and Highways o DPWH, natapos na ang clearing operations kaya maaari nang daanan ng mga magagaan na sasakyan ang naturang kalsada nitong September 12, 2026, alas-11 ng umaga.
Gayunman, pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat at magdahan-dahan sa pagdaan, partikular sa mga bahaging maaaring may natitirang debris o makaranas ng panibagong rockfall.
Matatandaan na noong September 11, pansamantalang isinara sa lahat ng uri ng sasakyan ang Villaverde Road dahil sa panganib na dulot ng patuloy na paghulog ng mga bato.
Patuloy namang nakabantay ang mga awtoridad sa sitwasyon at hinihikayat ang publiko na sundin ang mga abiso para sa kaligtasan ng mga motorista at biyahero. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








