Hindi lamang baha ang dagdag na suliranin ng ilang pamilya ngayong panahon ng tag-ulan, kundi maging ang pagdami ng amag, lumot at langgam sa kanilang mga tahanan.
Namumugad ang mga ito sa mga dingding at kusina, habang maaari ring dumapo ang mga insekto sa pagkain na maaaring maging banta sa kalusugan.
Ayon kay Hazel Sison, sa panayam ng IFM News Dagupan, hirap silang tuluyang maalis ang amag sa kanilang bahay kahit ilang ulit na itong nililinis at pinupunasan.
Ganoon din ang karanasan ni Maria Arenas, na patuloy na nakararanas ng problema sa amag at mga langgam na namumugad sa loob ng kanilang tahanan.
Ayon sa U.S. Environmental Protection Agency o EPA, mas madaling lumago ang amag sa mga lugar na basa o mamasa-masa.
Dahil dito, mahalagang makontrol ang moisture o halumigmig sa loob ng bahay, kabilang ang pag-aayos ng mga tagas ng tubig at condensation, gayundin ang pagpapabuti ng bentilasyon.
Ipinapayo rin ang regular na paglilinis at pagpapanatiling tuyo ng mga bahagi ng bahay upang makatulong na maiwasan ang pagdami ng amag at iba pang peste ngayong tag-ulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




