
Muling itataas sa Red at Yellow alert ang Visayas Grid ngayong Biyernes.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, ipatutupad ang Red Alert mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi habang ang Yellow Alert naman ay itataas mula ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng hapon at muli mula alas-10:00 hanggang alas-11:00 ng gabi.
Kabilang sa mga dahilan ng pagdedeklara ng red at yellow alert ang hindi gumaganang malalaking coal plant na TVI 1 at PEDC 3, gayundin ang limitado o kawalan ng power import mula sa Mindanao.
Maliban pa rito ang walong planta ng kuryente na kasalukuyang naka-forced outage ngayong Setyembre, habang may iba pang mga planta na matagal nang hindi pa rin bumabalik sa operasyon.
Mayroon ding 17 planta na tumatakbo sa derated capacity o limitadong kapasidad.
Itinataas ang Red Alert kapag kulang ang suplay ng kuryente para matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at reserve requirement ng grid, habang ang Yellow Alert ay indikasyon na manipis ang reserbang suplay ng kuryente.










